A Radical's Nut

Contact me at arnoldpadilla@gmail.com

Archive for the ‘Poems’ Category

hacienda luisita: nob. 16, 2009

without comments

Please email the author for proper image credit

tulad mo rin, noynoy, ang dambuhalang pabrika sa inyong azucarera
na walang imik nang dumating ang sandaang sasakyan ng protesta
patuloy lamang sa pagbuga ng usok ng mga makinang lumalamon sa tubó at tubo,
at tulad ng mga armadong gwardya sa kanyang pintuan
hindi ikaw, kundi si bise palengke ang sumalubong sa mga hamon at tanong
habang pilit kang nagkukubli sa alaala ng mga magulang mong
taliwas sa iyong akala ay di namin kinakalimutang maylupang panginoon.

naroon din ang iyong kapamilya, bitbit ang kanilang tagapagbalita’t kamera
pero maliban sa ginawang pantabing sa likod ng nakaposturang anchor
ang mga sulo at bandila, wala nang iba pang narinig tungkol sa protesta,
kung bakit at paanong ang katarungan at kamatayan ng pitong magsasaka sa luisita

limang taon na mula noong masaker ng nobyembre 16

at ang marami pa nilang kasamahang patraydor na ibinuwal ng mga bayarang duwag
kahit ang piketlayn ay malaon nang nabuwag, ay hindi lumabas sa teleprompter,
at wala ang imahe ng paniningil sa mga tulad ni pat sto. tomas na nagbigay
ng assumption order licencia de masaker
at wala ang hiyaw ng hustisya ng mga naiwang asawa, anak at ilan pang natira sa welga,
kung bakit wala kahit isang linya kung paanong patuloy na pinapaslang at ginugutom
ng sdo at huwad na repormang agraryo ang mga magsasaka’t manggagawang bukid
tumakbo ka man o hindi, manalo ka man o mabigo,
ibenta mo man ang iyong sapi at hugasan ang iyong kamay ng dugo,
mula pa noong 1989 hanggang ngayon, at pagkatapos ng eleksyon,
ay hindi kami magmamaang-maangang di namin batid.

pero ito ang dapat mong malaman
na walang pangingimi naming sasabihin sa iyo
at sa lahat ng naniniwalang kaya mong baguhin
ang kawalan ng katarungan sa bayang ito

– hindi kasindali o kasinsimple ng idinireheng pagpapasa ng sulo
mula kay marian rivera hanggang kay kris aquino ang pagbabago,
at hindi nadadaan sa madramang kanta’t magarbong bidyo
ang tunggalian ng mga walang lupa at ng labis-labis pa sa mayroon,
sa tunggaliang ito, hindi kami manlilimos ng iyong awa at atensyon.

Written by arnoldpadilla

November 18, 2009 at 2:28 am

odnum an datgilaB

without comments

J-Lo Pagbabago

Poster from Pagbabago!

.ang nanuhol at nanakot ang siyang argabyado
sa odnum an datgilaB

.ang saksi sa krimen ang siyang naging preso
sa odnum an datgilaB

.ang mamamatay-tao napupunta sa kongreso
sa ondum an datgilaB

.hindi rape ang rape kung ang rapist ay kano
sa ondum an datgilaB

.buhay ang demokrasya sa madayang halalan
sa odnum an datgilaB

.ang pekeng pangulo, habambuhay pinuno
sa odnum an datgilaB

.ngunit dilang matalas ay lalong tumatalas
sa odnum an datgilaB

.at kahit ang pipi ay hindi tatahimik
sa odnum an datgilaB

Maghihimagsik at ititiwarik
ang odnum an datgilab!

May 2, 2009

Written by arnoldpadilla

May 9, 2009 at 5:04 am

Posted in Poems

awit kay francisM

with 2 comments

francismmula sa aming tulad mo’y ipagtatanggol ang 3 bituin at araw
mula sa aming tahimik na nagbunyi sa hindi mo pagbitaw
mula sa aming sumabay sa iyong breakdance nung bagets
mula sa aming nangingiti tuwing naaalala ka sa loveliness
mula sa aming nakasilip sa iyong kaleidoscope
mula sa aming nakakita sa masining mong loob
mula sa aming henerasyong may natatanging lungkot
mula sa aming nag-abang sa mga tula mong hindi tapos
mula sa aming humanga sa rapido mong bibig at matapang
mula sa aming hindi makakalimot na mga kababayan
man from manila, paalam, paalam.

Written by arnoldpadilla

March 7, 2009 at 9:42 am

Posted in Poems

A poem for IBON

with one comment

ibon-30Last night, IBON had a solidarity dinner with friends and former staff as part of their 30th anniversary year-long celebrations. I was with IBON for almost 10 of those years. Below is a poem i wrote and read for them last night. It’s also my little way of thanking the institution that has patiently taught me a lot. Mabuhay ang IBON at sa susunod pang tatlumpung taon!

tatlumpung taon ka na, ano nga bang ibon ka?

hindi ikaw ang maalamat na phoenix

ng nagliliyab na balahibo at pakpak

na nagsaboy ng nagpupuyos na apoy

at naghasik ng nakasisilaw na liwanag

bagkus isa ka lamang din sa maraming inakay

na napisa sa pugad ng mga gabing hindi tahimik.

hindi ka dumating na tulad ng ibong mandaragit

matang mabangis, kukong matalim

gayunman ang tuka mo’y sintatag at sintalas

ng sa agilang pumupunit sa kalamnan ng bawat

kasinungalingang ipinambubulag

sa bayang minangmang ng karukhaan

ang mga paglusong mo’y sintiyak ng sa lawing

masusing pinag-aralan ang mga hakbang

nilang tagapaglubid ng inimbentong pag-unlad,

nilang tagapagtakip ng katotohanan.

lalong hindi ka rin ang maamong kalapating

nag-iipit sa tuka ng kapayapaang

bulag sa inhustisya, bingi sa pagdaing, pipi sa pagtutol

ngunit ang siyap mo’y madamdaming paghuni

ng tula ng mga api, umaawit ng kanilang kabiguan

ng kanilang pag-asa, ng kanilang tagumpay

ang himig mo’y hindi sa adarnang oyayi sa paghimbing

ang sa iyo’y malakas na kakak ng pagbangon at paggising

loro kang ang dila’y matabil, sa palalo’y sumusugat,

sa hamak ay magiliw.

hindi ikaw ang langay-langayang palayong lumutang sa sta.filomena

hindi ikaw ang ibong umiiyak nang ikulong sa hawla…

tatlumpung taon ka na, ano nga bang ibon ka?

sa presidenteng maton ikaw ay ipot,

sa presidenteng peke ikaw ay komunista

ha! hayaang umipot pa nang umipot

ang laksa-laksang kawan ng pipit at maya!

Disyembre 15, 2008

Para sa ika-30 anibersaryo ng IBON Foundation Inc.

Written by arnoldpadilla

December 16, 2008 at 5:17 am

Posted in Poems

Huling martsa

without comments

(Mayo 28, 2008 nang magmartsa ang may 20,000 tao upang ihatid ang mga labi ni Ka Bel sa kanyang huling hantungan)

At tayo’y narito na

Sa iyong huling martsa

Narito pa rin ang mga bandilang pula

Hindi nagmamaliw ang sigla ng kanilang pagwagayway

Lalong mahigpit ang pagtangan sa kanila ng mga kinakalyong kamay

At hindi pinakupas ng maraming digmaan ang kanilang kulay.

Bagkus higit silang nagiging matingkad ngayon

Sa bawat igkas ng telang sumasayaw sa hangin

Inuukit sa aking balintataw ang mga lansangang

Tinahak natin noon

Gaano man hilamin ng luha

Sila’y aking abot-tanaw pa rin.

Kaya hindi ko mapigilang hanapin

Sa dagat ng mga sigaw ang iyong tinig

Hindi ko mapigilang hagilapin

Ang iyong kamao sa alon ng dalawampung libong

Kamaong nakatiim

At hinahamon ang mga panginoon

Na ihambalos ang kanilang pinakamalupit na daluyong.

Hindi ko sila natagpuan ngayon –

Ang dating sigaw at kamao,

Hindi ko sila natagpuan ngayon.

Gayunman, salamat!

Salamat at iniwan mo sa akin ang iyong ala-ala at ngiti

Upang ilang ulit man akong dahasin at paslangin

Tiyak kong hindi ako magagapi

Tulad mo noon.

Written by arnoldpadilla

May 29, 2008 at 7:32 am

Posted in Poems